ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paglilipat ng Pandacan oil depot unti-unting gagawin


Hindi dapat mangamba ang publiko sa posibleng kakulangan ng supply ng langis sa Metro Manila kapag inilipat sa ibang lugar ang Pandacan oil depot, ayon sa Department of Energy nitong Lunes. Nilinaw ni Energy Secretary Angelo Reyes na gagawing unti-unti ang relokasyon upang hindi maantala at maapektuhan ng supply ng produktong petrolyo. "It is important that the relocation be phased properly so that all of these concerns will be addressed. If it is not a comprehensive relocation plan, then problems will arise," pahayag ni Reyes. "I'm certain that the various perspectives would be addressed in the plan, particularly the safety of people and property, security of the installation, and of ensuring the security of fuel supply," idinagdag niya. Sinabi ng kalihim na masusing makikipag-ugnayan ang DOE sa lokal na pamahalaan ng Maynila, sa mga kinauukulang ahensya at sa mga may-ari ng kumpanya ng langis sa gagawing paglilipat ng oil depot. Noong nakaraang linggo, kinatigan ng Korte Suprema ang resolusyon na pinagtibay ng konseho ng Maynila sa paglilipat ng lugar ng imbakan ng langis sa Pandacan dahil sa peligro na maaari nitong idulot kapag sinalakay ng mga terorista o aksidenteng sumabog. Ayon kay Reyes, aalamin niya sa mga opisyal ng Petron Corp., Pilipinas Shell, at Chevron (dating Caltex) Philippines Inc. kung saan nila balak ilipat ang oil depot na dapat gawin sa loob ng limang taon. Ang Pandacan oil depot ang nagsusuplay ng halos kalahati ng pangangailangan ng bansa sa krudo at 100 porsyento sa lubricant requirements para sa industrial at transport sectors. Inihayag naman ng Petron, Shell at Chevron na mag-aapela sila sa desisyon ng Korte Suprema. - Fidel Jimenez, GMANews.TV