ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kaso ng mga Pinoy sa Libya laban sa recruiter ituloy - De Castro


Pinayuhan ni Vice President Noli de Castro ang mga manggagawang Filipino na naloko sa Tripoli, Libya na huwag tanggapin ang settlement na iniaalok sa kanila at sa halip ay ituloy ang kaso laban sa kanilang recruiter sa Pilipinas at employer sa Libya. Ayon kay De Castro, presidential adviser on overseas Filipino workers, tinatayang may 60 Filipinong biktima ang nanunuluyan sa Overseas Workers Welfare Administration center sa Tripoli, habang nakauwi na sa bansa ang 30 iba pa. Kabilang sila sa may 100 OFWs na ipinadala sa Libya ng Fastlinks International Corp (dating Capricorn Staff Employment Agency) upang magtrabaho sa Enterprise General Contracting SRL. Ngunit sabay-sabay silang nagbitiw sa kanilang trabaho noong nakaraang taon at nagtungo sa OWWA center matapos umanong hindi tuparin ng kanilang employer ang nakasaad sa kontrata. Ayon kay De Castro dapat ituloy ang kaso upang harapin ng recruiter at employer ang bigat ng batas. “Kaya malakas ang loob ng mga recruiter at employer na itong gumawa ng kalokohan ay dahil nababasura ang kaso pag nagkaroon na ng settlement. ‘Di magtatagal balik uli sila sa dati nang maling gawi gamit ang ibang pangalan at muling mambibiktima. Kaya dapat talagang maparusahan sila nang matuto na," pahayag ng bise presidente. Kabilang sa mga biktima na nakabalik na sa bansa na sina Victor Patina, Edwin Mangahas, Francis Sereño at Moises Villanueva ay bumisita sa kanyang tanggapan sa Pasay City noong Biyernes. Pinasalamatan umano ng mga biktima si De Castro dahil sa ibinigay nitong tulong upang makabalik sila sa bansa noong Enero 3. Ang isa pang grupo ay nakauwi na rin dalawang linggo na ang nakalilipas at isa pang grupo ang uuwi sa susunod na linggo. Sinabi ng mga biktima na nagbayad sila ng placement fee na katumbas ng kanilang isang buwang sahod (na karaniwang $400), bukod pa sa processing fee na P12, 625 at medical examination fee na P6, 650 para sa mga edad 40 pataas, at P6, 500 para sa mga 40-anyos pababa. Sa pahayag, sinabi ni De Castro na ilan sa mga biktima ay nagsampa na ng reklamo sa National Labor Relations Commission laban sa recruitment agency na nagpadala sa kanila sa Libya. Kabilang sa mga kaso na inihain sa mga ito ay delayed payment of salary, long working hours, poor living condition, insufficient food ration, no medical coverage, salary downgrading without prior assessment at non-provision of potable water. Nangako rin umano si POEA administrator Rosalinda Baldoz na titingnan ang kaso ng mga nabiktima sa Libya upang maaksyunan sa lalong madaling panahon. - GMANews.TV