ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

28, 924 pumasa sa nursing board exam noong Disyembre


Umabot sa 28,924 lamang mula sa 67,728 na kumuha ng nursing licensure examination noong Disyembre ang nakapasa sa pagsusulit, ayon sa Professional Regulation Commission nitong Huwebes. Kumakatawan sa 43.42 porsyento ng kabuuan ang bilang ng pumasa. Higit itong mababa kaysa sa 48 porsyento ng pumasa sa nakaraang licensure test noong Hunyo 2007. Kabilang sa mga pumasa ang ilang umulit mula sa kontrobersyal na Hunyo 2006 exam na umano’y nagkaroon ng dayaan. Ang mga paaralang nanguna sa pinakahuling pagsusulit ay ang Saint Louis University sa Baguio City, Xavier University sa Cagayan de Oro City, Silliman University sa Dumaguete City, Trinity University of Asia sa Quezon City, Mindanao State University sa Lanao del Sur, University of the East, Ramon Magsaysay Memorial Medical Center sa Quezon City, at Palawan State University sa Palawan. Ang nursing licensure exam ay isinasagawa ng dalawang beses sa isang taon tuwing Hunyo at Disyembre sa Maynila, Baguio, Cagayan de Oro, Davao, Iloilo, Legazpi, Lucena, Tacloban, Tuguegarao, at Zamboanga. Ang kumpletong listahan ng mga pumasa ay inaasahang ilalathala sa mga pahayagan sa Biyernes. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV