Arroyo nangakong haharapin ang ‘ZTE scandal’
Ipinangako ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na haharapin niya ang mga paratang sa umanoy katiwalian sa $329.48-million National Broadband Network (NBN) project, pero ipinagtanggol nito ang kanyang pamilya na idinawit sa naturang gusot. "We will hold officials accountable if they are found to be corrupt. Tamaan ang tatamaan.. Friends and foe alike (will be) brought in to account for their actions in the proper courts. Walang mangingibabaw sa batas," ayon kay Arroyo sa isang pahayag nitong Linggo sa isang misa sa Malacañang. Binatikos ni Mrs Arroyo ang mga taong patuloy na umaatake sa kanya sa pamamagitan ng mga paratang na walang basehan at sinabi nitong walang kinalaman ang kanyang pamilya sa umanoây maanomaliyang NBN deal. "Pero maraming alegasyong hindi napapatunayan....walang ebidensya. Nakakalungkot kapag bumababa sa desperadong paninira ang mga kalaban. Napakalungkot ang mga pahayag at paratang ng mga nabibigo at masama ang loob," ayon sa Pangulo. "Ang aking pamilya ay hindi nagnenegosyo sa pamahalaan...Hindi katanggap-tanggap kung hindi ganoon. Alam nila 'yan," dagdag pa nito. Ipinagtanggol ni Gng. Arroyo ang sarili laban sa panibagong mga panawagan sa kanyang pagbibitiw sa puwesto matapos idinawit ni Rodolfo Noel Lozada Jr. ang kanyang asawa na si Jose Miguel âMike" Arroyo sa anomaliya sa NBN project. "We all know, I am not perfect. But I have worked hard everyday to achieve positive and lasting change for the nation. We've helped create seven million new jobs and bring in billions in new investments," ayon kay Aroyo. Ipinamalas ng Pangulo na hindi siya magbibitiw sa kanyang tungkulin sa gitna ng mga panawagang dapat bumaba na siya sa puwesto. Ayon sa kanya, tatapusin niya ang kanyang termino hanggang 2010, at itutuon niya ang nalalabing panahonsa pagsasagawa ng mga reporma sa gobyerno. Ayon kay Arroyo, "Ako ang pangulo, walang iba. Ako ang nagpapasya sa mga usapin ng pamahalaan at hindi 'yong mga wala sa tungkulin...Susunod ako sa Saligang Batas at sa sarili kong nais na bumaba sa puwesto pagwakas ng aking termino. "Masasabi ko sa inyo na walang pasubali na bababa ako sa puwesto pagkatapos ng aking panunungkulan sa 2010. Ngunit hanggang sa araw na 'yon, magsisikap tayo sa pagsusulong ng reporma upang maiwan natin na matipuno ang bansa sa susunod na pinuno," dagdag pa nito. - GMANews.TV