ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suporta sa Pinay na ginahasa sa Japan tiniyak ng Palasyo


Tiniyak ng Malacañang nitong Linggo ang buong suporta ng pamahalaan upang makamit ang hustisya ng 21-anyos na Filipina na umano’y ginahasa ng isang sundalong Amerikano sa Japan. Ayon kay Presidential Management Staff director general Cerge Remonde, masusing sinusubaybayan ng Malacañang ang mga kaganapan sa kaso habang ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang tumitiyak sa kapakanan ng biktima. “The DFA will do everything possible to ensure that she will get justice. The Palace is closely monitoring the case," ayon sa opisyal. Ayon sa ulat, ilang linggo pa lamang nakararating ang Filipina sa Japan noong kalagitnaan ng Pebrero nang mangyari umano ang panghahalay ng sundalong Amerikano sa Okinawa. Nakipag-ugnayan na ang DFA sa mga kamag-anak ng biktima at nagdesisyon ang mga ito na magsampa ng kaso laban sa suspek. Bago ang kaso ng Filipina, isang 14-anyos na Japanese student ang nagreklamo rin ng paghahalay sa isang US marine na kinilalang si Sergeant Tyrone Luther Hadnott. Sa ulat, inamin umano ni Hadnott na hinalikan niya ang biktima ngunit itinanggi nito ang alegasyon ng panghahalay. - GMANews.TV