ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Trillanes hindi na makikibahagi sa paglilitis ng kasong kudeta


MANILA – Hindi na makikibahagi sa paglilitis ng korte ang nakakulong na si Sen. Antonio Trillanes IV na nahaharap sa kasong kudeta noong 2003 dahil sa pagsakop sa Oakwood hotel sa Makati City. Sa pahayag nitong Huwebes, hinamon ni Trillanes si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ang pamahalaan nito na gawin ang lahat ng gusto nitong gawin laban sa kanya. Wala na rin umanong moral authority ang pamahalaan upang maghusga sa kanya at sa kanyang mga kasamahan. "Today, I refuse to participate any further in this travesty of justice, just as the GMA administration has lost all moral authority to render any judgment over me and my companions. Do your worst, for we have already been acquitted by the people," nakasaad sa pahayag ni Trillanes. Ipinamahagi sa media ang kopya ng pahayag ni Trillanes na nakatakda sanang tumestigo sa kanyang depensa sa Makati regional trial court nitong Huwebes. Nagpasya umano si Trillanes na huwag nang magsalita sa korte upang ipagtanggol ang sarili at mga kasamang nahaharap sa kasong kudeta. Iginiit ni Trillanes na kahit isang putok ng baril ay walang narinig matapos sumuko noong July 2003. Idinagdag niya na walang nasaktan at nasirang ari-arian sa kanilang ginawa. Ngunit makalipas ng limang taon sa kulungan, sinabi ng senador na patuloy pa rin silang nililitis dahil sa krimen na ibinibintang sa kanila. "Is this just? No. Did I ever regret my actions? No," ayon kay Trillanes. Idinagdag ni Trillanes na hinayaan ng government prosecutors na magamit ang kanilang sarili laban sa mga akusado, at maging si Judge Oscar Pimentel ay maaaring nakatatanggap umano ng panggigipit upang idiin sila sa kaso. Sinipi rin ni Trillanes ang pahayag ni Henry David Thoreau tungkol sa civil disobedience kung saan, "under a government which imprisons any unjustly, the true place for a just man is also a prison." - Fidel Jimenez, GMANews.TV