Isang delivery rider ang sinita ng mga traffic enforcer sa Puerto Princesa City, Palawan. Pero walang hulihan na nangyari at sa halip ay nauwi ito sa good vibes nang malaman na hindi pala talaga tao ang nakaangkas sa motorsiklo.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang mga larawan na nag-viral sa social media kaugnay sa ginawang pagsita ng mga enforcer sa delivery rider dahil walang suot na helmet ang angkas niya.
At nang lapitan ng mga enforcer ang motorsiklo, doon na nagkaliwanagan na manekin na ide-deliver pala ang angkas ng rider.
Sa panayam ng Super Radyo Palawan sa rider, sinabi nito na hindi niya malaman noong una kung papaano maide-deliver ang manekin dahil sa laki nito.
Hanggang sa maisipan niya na isakay na parang angkas na tao ang manekin.
Hindi naman tinekitan ng mga enforcer ang delivery rider na maayos na nakaalis.
Bukod sa good vibes na hatid, saludo rin ang mga netizen sa mga traffic enforcer dahil sa pagiging alerto at maayos na pagtupad sa kanilang trabaho.--FRJ, GMA News