Filtered By: Topstories
News

School supplies vendors sa Divisoria, naghahanda na sa dagsa ng mga mamimili


Naghahanda na ang mga nagtitinda ng mga gamit pampaaralan sa Divisoria para sa pagdagsa ng mga mamimili apat na araw bago ang pagsisimula ng klase sa Lunes, Agosto 22.

Sa live report ni GMA News reporter Bam Alegre sa Unang Balita, pasado 5 a.m pa lang, makikita na ang pag-aayos ng mga tindero sa kalye ng M. Santos dahil sa inaasahang pagdami ng mga mamimili bandang 8 a.m.

“Malaking bagay po sa amin na marami na ang bumibili para makaahon na sa pandemic, dahil sa nakaraang taon wala po kaming kinita [...] sa panahon ngayon parang ‘di na namin napapansin ‘yung COVID eh, hinahabol namin 'yung benta para makabawi,” ani Joy Abayan, isa sa mga tindera ng school supplies.

Pagkakataon umano ito para sa kanilang makabawi dahil ilang taon ding nakatengga ang kanilang mga paninda dahil sa pandemya.

Presyo ng school supplies

Sa Divisoria makikita ang halos lahat ng hinahanap ng mga mamimili. Para sa mga kagamitan sa paaralan, dito rin matatagpuan ang ilan sa mga abot-kayang presyo ng bilihin:

  • Ream ng notebook (10 piraso) —P170-180
  • Ballpen (3 piraso) —P20
  • Ballpen (12 piraso) —P65-P70
  • Crayon (8 piraso) —P35
  • Crayon (16 piraso) —P65
  • Crayon (24 piraso) —P75
  • Pencil case —P10-P65
  • Payong (pambata) —P100

Ayon kay Ron Medina, isa pang tindero sa Divisoria, pinaghahandaan na rin nila ang pagdating ng kanilang mga suki.

“Syempre dadagsa po ‘yung tao mamaya, medyo nakarecover na rin po nang kaunti (ang negosyo),” aniya.

Pasado 7 a.m ay nakahanda at nakapuwesto na ang mga manininda ng school supplies. May ilan na ring namimili.Alzel Laguardia/AOL, GMA News