ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Trillanes, 18 iba pa hindi dumalo sa pagdinig ng kasong kudeta sa Makati


MANILA - Hindi dumalo ang nakakulong na si Sen. Antonio Trillanes IV sa pagdinig ng Makati Regional Trial Court nitong Huwebes kaugnay sa kasong coup d' etat. Ang kaso ay bunga ng pagsakop ng mga sundalo na kasapi ng Magdalo group na kinabibilangan ni Trillanes noong July 2003 sa Oakwood hotel sa Makati City. Ayon kay Capt. Carlo Ferrer, information chief ng Armed Forces National Capital Region Command (NCRCom), 12 lamang sa 31 sundalong akusado ang nagpakita sa branch 149 ng Makati RTC. Ang lima sa mga dumalo sa pagdinig ay nakakulong sa Army Custodial Center sa Fort Bonifacio habang ang pitong iba pa ay nasa PNP Custodial Center sa Camp Crame, ayon kay Ferrer. Si Trillanes ay nakakulong sa Camp Crame mula nang maganap ang pagsugod nila sa Peninsula Manila Hotel noong Nov. 29, 2007. "They waived their presence. They have the right to do that," ayon kay Ferrer. Sa 31 akusado, 28 sa mga ito ay junior officers at dalawa ang enlisted personnel. Si Trillanes ay itinuturing na nagbitiw na sa AFP matapos kumandidatong senador noong Mayo 2007. Idinagdag ni Ferrer na nagbigay ng pahayag sa korte sina Capt. Milo Maestrecampo at 1Lt. Ashley Acedillo dahil sa mabagal na usad ng paglilitis. "Lt. Acedillo said that if the case is resolved soon, he would still have time for a second career. If the hearing is delayed, then he fears he would be too old already for that," ayon kay Ferrer. Noong nakaraang linggo, sinabi ni Trillanes na hindi na siya makikibahagi sa paglilitis dahil wala na siyang tiwala sa gobyerno. - Fidel Jimenez, GMANews.TV