ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Oposisyon nahahati dahil kay Erap - Apostol


MANILA – Hinahati lalo ni dating Pangulong Joseph Estrada ang oposisyon sa halip na pag-isahin dahil sa mga pahiwatig na tatakbo siya sa 2010, ayon kay chief presidential legal counsel Sergio Antonio Apostol nitong Huwebes. Sinabi ni Apostol na masyadong marami sa oposisyon ang nagpaplanong tumakbo sa pagka-presidente sa 2010 at ang posibleng pagsali ni Estrada sa laban ay makasasama sa kanila. Kabilang sa hanay ng oposisyon na pinapaniwalaang tatakbo sa panguluhan sa 2010 ay sina Senate President Manuel Villar, Senator Panfilo Lacson at Makati Mayor Jejomar Binay. “Siya (Estrada) ang nagpapagulo e.," ayon kay Apostol. “Alam mo Erap has his time noon. Napagbigyan na siya, hayaan naman niya ang iba. Eh sinayang niya eh, hindi niya pinagbuti noong nakaupo siya." Dapat umanong matuto na si Estrada at huwag hayaan na magamit ng iba, ayon kay Apostol. Una rito, sinabi Estrada na batay sa legal na pag-aaral na ginawa na kanyang inupahan ay lumilitaw na maaari pa siyang tumakbo sa kabila ng pagkakahatol sa kanya ng guilty ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong. Sa kabila nito, hindi nilinaw ni Estrada kung ano talaga ang kanyang plano sa 2010 bagaman may mga pahayag siya na tutulong na lamang na pag-isahin ang oposisyon. Sa ilalim ng Saligang Batas, isang beses lang maaaring manungkulan ang isang pangulo. Ngunit hindi natapos ni Estrada, nahalal na presidente noong 1998, ang kanyang termino matapos mapatalsik sa pwesto noong 2001 dahil sa people power revolution. – Fidel Jimenez, GMANews.TV