Banal na kalye sa Quezon City
Kilalang kalye sa Quezon City ang âMother Ignacia" dahil napaliligiran ito ng mga kalye na ipinangalan sa mga Boy Scouts na nasawi sa pagbagsak ng eroplano. Pero alam nyo ba na ang kalyeng Mother Ignacia ay ipinangalan sa isang madre na posibleng susunod na Filipinong Santo. Noong Pebrero (2008), iginawad kay Mother Ignacia del Espiritu Santo ni Pope Benedict XVI ang titulong âVenerable," isang hakbang sa pagdetermina ng kanyang kabanalan upang ideklarang Santa. Noong 1986, pinangunahan ng namayapang Manila archbishop Jaime Cardinal Sin ang canonical process for the Beatification ni Mother Ignacia. Sinasabing nakagawa na rin ng himala si Mother Ignacia nang gumaling ang sakit ng isang babae na nanampalataya sa kanya. Isinilang sa Binondo, Manila noong 1663 si Mother Ignacia kung saan ang kanyang ama ay Chinese at Filipino ang ina. Nais umano ng mga magulang ni Mother Ignacia na mag-asawa siya ngunit pinili nitong magsilbi sa Diyos. Noong 1684, itinatag ni Mother Ignacia ang kauna-unahang kongregasyon sa Pilipinas na Beterio de la Compania de Jesus na mas kilala ngayon sa tawag na The Religious of the Virgin Mary (RVM). Hindi tulad ng ibang pinuno, hindi nasilaw sa kapangyarihan si Mother Ignacio sa pamamahala ng kongregasyon. Matapos ang kanyang liderato, naging ordinaryo siyang miyembro ng RVM hanggang dumating ang araw ng kanyang pagpanaw sa edad na 85. May mga tala sa kanyang buhay na pumanaw si Mother Ignacia nang nakaluhod matapos tumanggap ng banal na komunyon noong 1748. Ang kanyang mga labi ay inilagak sa Church of Saint Ignatius. - GMANews.TV