ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Arroyo sa PMA: Reporma laban sa katiwalian ipinatutupad na


BAGUIO CITY – Pagod na umano ang mga Filipino sa “politics of division and despair" kaya hinikayat ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Martes ang mga bagong nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) na tiyaking ligtas at sumusulong ang bansa. Sa kanyang talumpati sa harap ng PMA “Baghawi" Class of 2008, sinabi ni Gng Arroyo na bumuo ng mekanismo ang gobyerno upang alisin ang katiwalian sa mga transaksyon ng pamahalaan. "The people of the Philippines are tired of the politics of division and despair. They want you, Baghawi Class, to keep our nation safe, secure and moving forward. Every Filipino wants a good job, food on the table and sound education," pahayag ng Pangulo. Tinawag ni Gng Arroyo na natatangi ang "Baghawi" Class dahil produkto ito ng mga makabagong uri ng pagsasanay na ipinatupad ng PMA. Inilahad din niya ang mga bagong benepisyo sa mga sundalo kasama ang pagtataas sa sahod at paglalaan ng pondo para sa proyektong pabahay. "The 2008 budget also allocates P12 billion or 10 percent increase in basic salary of civilian military and uniformed personnel starting this July," pagmamalaki ni Arroyo. Pinaalalahanan din ng Pangulo ang militar sa itinakda niyang taning upang tapusin ang mga komunistang rebelde sa 2010. Sabi niya, naglaan ang pamahalaan ng P1 bilyong pondo para sa "Kalayaan Barangay" project upang tumulong sa paglaban sa insureksyon. "I congratulate your predecessors in the AFP, your seniors, because as of last year we have succeeded in cutting in half the number of active insurgency compared to where we were in 2001," ayon kay Arroyo. Tiniyak ng Pangulo na gumagawa ng paraan ang pamahalaan upang labanan ang katiwalian sa pamamagitan ng pagbuo ng procurement transparency group. Umaaabot umano sa 40 pangunahing proyekto ang minamatyagan ng transparency group kasama na ang pagbili ng petrolyo at iba pang uri ng langis para sa AFP. "We do this because an essential part of building a modern nation in these trying times is to have a military as strong and modern as the nation it serves," pahayag ni Arroyo. - Fidel Jimenez, GMANews.TV