ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Abogado ni Arroyo duda sa paglutang ng pangalan ni Erap bilang kandidato sa 2010
MANILA â Nagpahayag ng pagdududa nitong Miyerkules ang isang election lawyer tungkol sa motibo ng pagpapalutang sa pangalan ni dating Pangulong Joseph Estrada bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2010. "Wala talagang legal basis. Sa palagay ko, alam naman 'yun ng mga abogado niya (Estrada)," pahayag ni Atty. Romulo Macalintal sa panayam ng dzBB radio. Si Macalintal ay nagsilbing abogado sa mga electoral protest na inihain laban kina Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Vice President Noli de Castro noong May 2007 elections. "Yung mga nananalig kay Erap, lalo na 'yung mga sumasakay sa popularity niya, nais lamang palabasin na sumusuporta sila kay Erap para kung sakali na hindi tumakbo si Erap at least masasabi nila sa supporters na, 'Ako naman ay sumusuporta sa inyong movie idol.' S'yempre makukuha pa rin nila ang suporta ni Erap," paliwanag ni Macalintal. Aminado ang abogado na popular pa rin ang dating pangulo sa masa. Sakaling magdesisyon si Estrada na tumakbo sa pagkapangulo, naniniwala si Macalintal na ang ibang aspirante ay irerekomenda ang kanilang sarili bilang bise-presidente. Mag-aasam na lamang umano ang mga ito na kapag nanalo si Estrada ay madidiskwalipika rin at sila ang papalit bilang pangulo. "Kung tatakbo si Erap, mag-uunahan silang maging vice president ni Erap. Kung talagang naniniwala silang malakas si Erap e tatakbo sila as vice president because they know for a fact na madi-disqualify naman," ayon kay Macalintal. "Kapag tumakbo si Erap at nanalo at na-disqualify, 'yung magiging vice president ang magiging president without any sweat at allâ¦riding on the alleged popularity ni Erap ay baka sakaling maging presidente sila nang walang kagastos-gastos," idinagdag niya. Maging ang administrasyon ay makikinabang din umano sa pagtakbo ni Estrada dahil sa ganitong paraan ay dadami ang kandidato ng oposisyon at mahahati ang kanilang suporta. "Ang administrasyon ang matutuwa kung tatakbo si Erap dahil kung tumakbo siya, tumakbo si (Senator) Mar Roxas, tumakbo si (Senate President Manny) Villar magkakahati 'yan. Eventually, pag nakakuha ng malaking boto itong si Erap at biglang na-disqualify in the middle of the game dun na gugulo," pahayag ng abogado ni Pangulong Arroyo. Ngunit duda si Macalintal kung mananalo si Estrada kapag tumakbo ito nang hindi nalilinawan kung talagang naaayon sa Saligang Batas ang kanyang magiging kandidatura. Sa ilalim ng Saligang Batas, isang beses lamang ang termino ng isang pangulo ngunit kakaiba ang kaso ni Estrada dahil hindi nito natapos ang kanyang anim na taong termino nang mapatalsik noong 2001 sa pamamagitan ng people power revolution. "How can you support a candidate na merong question ang qualifications. In the entire duration of your campaign, wala kang ibang gagawin kundi ipagtanggol, ipaliwanag na siya ay qualified imbes na ang pag-uusapan ay program of government," paliwanag ni Macalintal. Ganito umano ang nangyari sa kandidatura nina Manila Mayor Alfredo Lim nang tumakbong ito bilang pangulo noong 1998 at kay Fernando Poe Jr noong 2004, na kapwa kinuwestiyon ang kanilang citizenship. "Nagkaroon ng question sa kanyang (Lim) citizenship. Wala kaming ginawa noon kundi ipaliwanag na siya ay qualified hanggang sa huli nagkaroon ng doubt ang taumbayan," ayon kay Macalintal na naging abogado rin ni Lim. Bagaman inihayag ni Estrada na hindi siya interesadong tumakbo sa 2010, ilang tagasuporta niya ang nagpapakalat ng sticker na may nakasaad na âErap 2010." - Fidel Jimenez, GMANews.TV
More Videos
Most Popular