ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Col. Querubin naospital dahil sa paninikip ng dibdib


MANILA – Isang opisyal ng militar na inakusahang sangkot sa bigong kudeta noong 2006 ang dinala sa Armed Forces Medical Center sa Quezon City matapos magreklamo ng pagsisikip ng dibdib. Si Marine Col. Ariel Querubin ay dinala sa Camp Aguinaldo station hospital dakong 7 a.m. noong Martes dahil sa pagsikip ng dibdib at hirap sa paghinga, ayon sa kanyang asawa na si Ma. Flor nitong Miyerkules. "He had to walk out of the detention compound because no vehicle can go in the detention area," kwento ni Gng Querubin sa kanyang ipinadalang text message. Sinabi ni Gng Querubin na inilipat sa AFP Medical Center (dating V. Luna Hospital) ang kanyang asawa kung saan masusi itong minamatyagan ng mga duktor sa intensive care unit. "Hope this will not happen to others who are also not in their best of health," ayon sa maybahay ni Querubin. Si Querubin ay Medal of Valor awardee ay kabilang sa 28 opisyal ng AFP na nililitis sa military court martial kaugnay sa nabigong kudeta noong Feb. 24, 2006. Ang MOV ang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng AFP dahil sa kabayanihan ng isang sundalo. Isa pang tumanggap ng MOV na si Marine Lt. Col. Custodio Parcon ay kapwa akusado rin ni Querubin. Sa 28 nasasakdal sa kasong kudeta, 24 ang nakakulong sa Isafp (Intelligence Service, Armed Forces of the Philippines) compound sa Camp Aguinaldo, habang ang iba ay nasa Fort Bonifacio, at Naval hospital sa Cavite at Camp Crame. Isa pinakamataas na opisyal na sangkot sa kudeta na si Brig. Gen. Danilo Lim ay nakakulong sa Camp Crame. Sangkot din si Lim sa pagsakop sa The Peninsula Manila hotel sa Makati City noong Nob. 29 kasama ang nakakulong na si Sen. Antonio Trillanes IV. - Fidel Jimenez, GMANews.TV