ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Patakaran sa sweldo sa Mahal na Araw nilinaw ng DoLE


MANILA – Ang mga empleyado na magtatrabaho sa Sabado de Gloria (Black Saturday) ay dapat makatanggap ng karagdagang 30 porsyento ng kanilang arawang kita, ayon kay acting Labor Secretary Marianito Roque nitong Miyerkules. Sa ulat na nakapaskil sa website ng DOLE, sinabi ni Roque na may karagdagan pang 30 porsyento ang orasang sahod ang mga magtatrabaho ng lagpas sa oras ng kanilang duty (overtime work)sa Sabado. Kung ang Sabado ay nataon sa araw ng pahinga ng kawani ngunit kailangan siyang pumasok sa trabaho, dapat siyang makatanggap ng karagdang 50 porsyento sa kanyang arawang kita sa unang walong oras at karagdagang 30 porsyento sa mga susunod na oras. Ang mga hindi papasok sa trabaho ay walang makukuhang karagdagang sweldo, paglilinaw ni Roque. Una rito, inilabas ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Proclamation 1471 na nagtatakda sa Sabado de Gloria bilang special non-working holiday. "Our people must be given the full and uninterrupted opportunity to ponder on the significance of the Holy Week and to properly observe its traditions with religious fervor, without prejudice to public interest," nakasaad sa proklamasyon. Ang Huwebes Santo (Maundy Thursday) at Biyernes Santo (Good Friday) ay nauna nang idineklarang regular holidays sa buong bansa. Sinabi ni Roque na ang mga papasok sa trabaho sa Marso 20 at 21 ay dapat makatanggap ng 200 porsyento ng kanilang arawang sahod sa unang walong oras at karagdagang 30 porsyento sa susunod na mga oras kapag nag-overtime. Kung nataon na pahinga ng kawani ang mga nasabing araw ngunit kailangang pumasok, ang kawani ay dapat makatanggap ng karagdagang 30 porsyento sa 200 porsyentong dagdag sa arawan nitong kita at karagdagang 30 porsyento sa hourly rate para sa overtime work. - Fidel Jimenez, GMANews.TV