3 lalaking nagbabaklas ng mga piyesa mula sa mga nakaw na motor, arestado sa Cavite
Arestado ang tatlong lalaki na nagbabaklas ng mga piyesa mula sa mga nakaw umanong motorsiklo. Ang mga piyesa, ibinebenta raw nang mas mura sa online.
Sa ekslusibong ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa isang CCTV footage ang magkaangas na suspek na ilang segundo lang ang kinakailangan para matangay ang isang nakaparadang motorsiklo sa Bacoor, Cavite noong Martes ng hapon.
Ilang oras matapos nakawin ang motorsiklo, baklas na mga piyesa nito nang muling makita ng mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, kasama raw ito sa nasa 40 “chop-chop” na motorsiklo, na nadiskubre sa isang bahay sa Barangay Molino I.
Nabisto ng mga pulis ang iligal na operasyon matapos daw may magreklamong isa pang biktima.
Sabi ni Bacoor Police chief Police Lieutenant Colonel Ruther Saquilayan, nalaman daw nila kung saan dinala ang ninakaw na motorsiklo nang suriin nila ang CCTV footage.
“Siguro matagal na rin so ngayon lang namin na-discover dahil alam mo naman na kapag may nakuha kang motor, ang ginagawa nila ay pinipiyesa-piyesa,” saad ni Saquilayan.
Batay sa salaysay ng mga suspek, ibinabagsak lang daw sa kanila ang mga motorsiklo pero hindi raw nila alam na nakaw ang mga ito.
Pumayag ang mga suspek sa isang panayam pero nakiusap sila na huwag ipakita ang kanilang mukha at ibahin ang kanilang boses sa takot para sa kanilang buhay dahil baka raw balikan umano sila ng mga nagnakaw ng mga motorsiklo.
“Hindi naman po kami nagnakaw sir, kami lang ang nagbabaklas po. Tapos dinadala lang po sa amin ‘yun sir na may xerox papers po. ‘Yung iba po kasi du’n sir mga baklas na dine-deliver sa amin kaya hindi rin po namin alam,” sambit ng isa sa kanila.
Sa kabila niyan, sinampahan sila ng reklamong paglabag sa Anti-Carnapping Law at Anti-Fencing Law.
Lumalabas sa imbestigasyon na ibinebenta ang mga binaklas na piyesa ng motorsiklo sa online para hindi mahalata.
Nasa 50% na mas mura raw ang presyuhan nila.
“Kapag may nakakitang Pinoy na mura ang ibinebenta, binibili agad nila pero hindi nila alam na nakaw pala. Kapag sila ay bumili ng nakaw ay maaari rin sila makasuhan ng Anti-Fencing Law,” ani Saquilayan. — Mel Matthew Doctor/BM, GMA Integrated News