ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Dating mambabatas na nakulong sa kasong pagpatay pinawalang-sala
MANILA â Pinalaya sa kulungan si dating Occidental Mindoro Rep. Jose Villarosa nitong Miyerkules Santo matapos baligtarin ng Court of Appeals ang naunang hatol ng mababang korte kaugnay sa kasong pagpatay sa mga anak ng kanyang kalaban sa pulitika noong 1997. Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, pinawalang-sala ng 5th Division ng CA si Villarosa at mga kapwa akusado nito na sina Ruben Balaguer, Gelito Bautista at Mario Tobias dahil sa kakulangan ng katibayan na magdidiin sa kanila sa kasong pagpatay. Una rito, hinatulan ang mga akusado ng dalawang habambuhay na pagkabilanggo noong Marso 1, 2006 dahil sa pagpatay kina Paul at Michael Quintos, mga anak ni dating Occidental Mindoro Gov. Ricardo Quintos. Sinabi ng CA na hindi sapat na katibayan ang sinumpaang salaysay ng isa sa mga suspek sa krimen na nagturo kay Villarosa na mastermind sa pagpatay sa mga nakababatang Quintos sa Mamburao, Occidental Mindoro noong Disyembre 13, 1997. Hindi naman nagulat ang nakatatandang Quintos sa naging desisyon ng CA dahil kilala umanong kaalyado ng administrasyon ang mga Villarosa. Ang asawa ni Villarosa na si Amelita ay kasalukuyang kongresista ng Occidental Mindoro at kasapi ng Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi), partido ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Siya ang hinirang na kauna-unahang Deputy Speaker ng House of Representatives upang kumatawan sa mga kababaihan. Itinanggi ng Malacanang na inimpluwensyahan nila ang CA. Dahil sa desisyon ng CA, kaagad na naglabas ng kasulatan ang National Bilibid Prison pasa sa paglaya ni Villarosa na kasalukuyang nasa Makati Medical Center dahil sa sakit na cancer. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
More Videos
Most Popular