ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Baguio City dinayo ng mahigit 300,000 bakasyunista
BAGUIO CITY â Mahigit 300,000 turista ang dumayo sa âsummer capitalâ ng bansa upang magbakasyon simula Huwebes Santo. Dahil sa dami ng bakasyunista, lalong nagsikip ang daloy ng trapiko sa mga lansangan ng Kennon, Abanao, Harrison and Session Road. Masikip ang parking areas sa Burnham Park at SM Mall hanging nitong Biyernes Santo, at inaasahang hanggang sa Linggo kung kailan karamihan sa mga bisita ay magbabalikan sa kani-kanilang lalawigan o sa Maynila. Maraming Filipino, mga balikbayan at dayuhan mula sa ibang bansa ang dumadayo sa Baguio, lalo na tuwing tag-araw dahil sa malamig na klima doon at sa mga magagandang tanawin, katulad ng Mines' View Park, Philippine Military Academy at Lourdes Grotto. Ayon kay Mary Balagot, assistant regional director ng Department of Tourism, mas marami ang bakasyunista sa Baguio ngayong Semana Santa kaysa sa naitalang 300,000 noong nakaraang taon. Nagsikip din ang daloy ng mga sasakyan nitong Biyernes Santo papunta sa Lourdes Grotto, Camp John Hay at sa palengke. Habang nasa Baguio ay marami na rin ang tumutuloy sa kalapit na bayan ng La Trinidad sa Benguet upang mamasyal at mamili ng pasalubong sa taniman ng strawberry at sa bagsakan ng sariwang gulay. Karamihan ng mga hotel at bahay-bakasyunan ay puno dalawang linggo pa bago sumapit ang Mahal na Araw, ayon kay Balagot. Subalit sa Burnham Park ay mas kakaunti daw ang bumisita ngayong Semana Santa, ayon kay Jun Niebres, supervisor sa paupahang palikuran sa isa sa mga sikat na pasyalan sa siyudad. Nitong Biyernes Santo ng umaga, mga 50 tao lamang daw ang naligo sa mga palikuran na kanyang binabantayan, kumpara sa 150 noong nakaraang taon. Ang paliligo sa mga palikuran ay may bayad na P40 bawat tao. Napansin ni Niebres na marami sa mga bakasyunista ay natulog na lamang sa kanilang mga sasakyan, at ang iba naman ay nagtayo ng tent sa Burnham Park. Samantala, ginawaran ng Baguio Benguet Correspondents and Broadcasters Club ang apat na bakasyunista na nagpunta sa Baguio sa unang pagkakataon para sa 50th Lucky Visitor Program ng samahan. Ang mga maswerteng nagwagi ay sina Jasmin Landero, 25-taon gulang na agriculturist mula sa Surigao del Sur at ang web designers na sina John Angelo Buntac, Marites Maurana at kapatid niyang si Vanessa na nagmula sa Manila. Ang mga nagwagi ay may libreng pagkain sa mga kilalang restaurant sa siyudad, pamamasyal sa mga sikat na pinupuntahan ng mga turista sa Baguio at sa La Trinidad. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular