Japanese national na nasa likod umano ng fake marriage modus para sa human trafficking, arestado
Arestado ang isang Japanese fugitive na nasa likod daw ng mga pekeng kasal para sa pagpasok ng mga Pinay sa kanyang KTV bar sa Japan.
Ayon sa eksklusibong report ni John Consulta sa 24 Oras Weekend, inaresto ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa kanyang agency sa Sta. Mesa, Manila ang Japanese national na si Amaru Mototaka, na may arrest warrant sa Japan.
Ayon sa FSU, ang ginagawa raw ng suspek para mas mabilis na mailabas ng Pilipinas ang mga babae at madala sila sa Japan, kung saan sila nagiging biktima ng human trafficking, ay mag-areglo ng fake marriages para sa kanila.
"Siya ay nag-a-arrange ng fake marriages ng mga aplikanteng Pilipina, at pinapadala niya sa Japan using a fraudulently acquired visa," sabi ni BI-FSU chief Rendel Sy.
"Pagdating sa Japan ay pinapasok niya ang mga babae sa kanyang KTV bar, na wala ring lisensiya para mag-operate."
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, tinagurian ng Japanese government na fugitive of justice si Mototaka dahil sa iilang violation.
Matagal na rin daw ang grupo ng suspek sa Pilipinas, kaya posibleng marami na rin ang kanyang biktima.
"Yung agency niya ay 2013 pa nag-o-operate dito sa atin, at nagpapadala ng babae sa Japan," saad ni Sy. "Itong mga babae ay prone sa abuse, kasi kung may mangyari sa kanila doon, ay hindi sila mapoprotektahan ng ating gobyerno."
Inaalam na ng mga awtoridad ang mga posibleng kasabwat ni Mototoka dito sa Pilipinas. — BM, GMA Integrated News