ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaki, sinaksak ang pamangkin na matagal na umanong namemerwisyo sa kanya


Sinaksak ng isang lalaki ang kanyang pamangkin dahil napuno na raw siya sa pamemerwisyo nito sa kaniya.

Ayon sa eksklusibong ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo, nahuli sa CCTV ang insidente mga alas-9 ng umaga noong Sabado sa Barangay Zapote sa Las Piñas.

Sa CCTV footage, makikita ang pagtawid ng kalye ng isang lalaking may hawak na kutsilyo.

Lumapit ito sa isa pang lalaking naglalakad at biglang pinagsasasaksak ito nang ilang beses.

Ang biktima na si Ian Padrique, nakatakbo. Ang suspek na si Vergel Aurelio, sumuko sa mga pulis.

Ayon sa suspek, napuno na siya sa biktima na pamangkin ng kanyang misis.

“Lagi na ako pineperwisyo niyan. Yung jeep na hulugan ko, lagi rin niya pineperwisyo. Ninanakawan niya, kinukunan niya ng diesel. Tinatanggal niya yung wire ng battery, nilalagyan niya ng basura…ilang beses na akong inundayan ng saksak niyan eh,” saad ni Aurelio.

Bago naman daw ang ginawa niyang pananaksak, pinagtulungan daw siya ng grupo ng biktima sa isang eskinita.

Pina-blotter daw ito sa barangay ni Aurelio. Pero imbes daw na sumama sa barangay ang grupo ni Padrique, tumakas daw ang mga ito.

Hindi bababa sa sampu ang tinamong saksak ni Padrique. Nasugatan din ang isa pa niyang kasama na si Niño Kho.

“Actually ano to e old grudge…Sabi niya gusto niya maayos, kinomplain niya sa barangay, pero parang ang nangyari e according to him yung version niya parang tinutuya pa siya, iniinsulto pa siya,” ani Las Piñas police chief Police Colonel Jaime Santos.

Nagpapagaling ang mga biktima sa ospital. Sinusubukan ng GMA Integrated News na kunin ang pahayag ang grupo nina Padrique. — BM, GMA Integrated News

Tags: btbmetro