ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Huwag kayo makisali sa pulitika, sabi ni Arroyo sa PNPA graduates


MANILA – Pinagsabihan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Huwebes ang mga bagong nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Cavite na huwag makisali sa usaping pulitikal. Sa kanyang talumpati sa Batch 2008 ng PNPA, ibinalita ng Pangulo sa mga bagong nagtapos na pulis, bumbero at jail guard ang matatanggap nilang mga benepisyo sa napiling propesyon. "Whenever I see members of the uniformed service, I remember the poem 'The Charge of the Light Brigade: Theirs is not to reason why theirs is but to do and die. ‘Yan ang kapalit ng paghawak ng baril. Hindi ang humahawak ng baril ang nagpi-philosophize, ang nagpi-philosophize ay 'yung mga totally civilian leaders," pahayag ni Gng Arroyo. Bagaman itinuturing na sibilyan ang PNPA graduates kumpara sa mga nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA), sinabi ni Arroyo na magkapareho lamang ang motto ng dalawang institusyon. Ang mga nagtapos sa PNPA ay itatalaga sa Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Fire Protection. Tulad ng kanyang paalala sa mga nagtapos sa PMA kamakailan, inihayag ni Arroyo sa mga nagtapos sa PNPA ang kahalagahan ng disiplina sa sarili at pagsuko sa ilan nilang karapatan. "In return for your guns, there are certain civil rights you have to give up and that is the right to speak politically. So 'yun, kasama doon ang disiplina," sabi niya. Hindi rin umano dapat kalimutan ng mga nagtapos na ang pangunahin nilang tungkulin ay panatilihin ang kaayusan, katahimikan at katatagan ng ekonomiya sa bansa. "Bagama't 'di kayo makapagsasalita sa pulitika maging halimbawa ng bagong sibol ng kapulisan na nag-aalaga sa kaligtasan at katahimikan ng ating bansa," idinagdag ng Pangulo. "Kayo, ang inyong talagang problema, peace, order and stability. When you start your regular service you will see every single day as a challenge and an opportunity. Embrace the opportunity. That is how to apply what you have learned in the Academy and to grow as a professional, as an individual, yes as a concerned citizen of our republic," paalala niya. Ipinagmalaki naman ni Gng Arroyo ang mga ibinigay niyang suporta sa mga pulis at militar katulad ng 10 porsyentong dagdag sa kanilang sahod simula sa Hulyo. May programa rin umano ang pamahalaan para sa pabahay at modernisasyon ng pulisya. Kasama rito ang pagbili ng patrol cars, 23 helicopters kung saan anim sa mga ito ang darating ngayong 2008, patrol boat para sa maritime police, closed-circuit TV systems para sa mga tourism police, night vision equipment at intelligence funds para sa anti-terrorism police, at dagdag na forensics at investigative crime laboratory aids. Tiniyak ng Pangulo na dadagdagan din ng pamahalaan ang pondo na pambili ng gasolina. Pinasinungalingan ni Arroyo na higit niyang pinapaboran ang mga nagtapos sa PMA at ginawang halimbawa si Chief Supt. Danilo Abarzosa, pinuno ng PNPA, na hindi umano nagtapos sa PMA. "Very junior siya, 'di siya PMA nang ginawa ko siyang chief ng MPD na isa talagang hinahangad na assignment (ng isang pulis)," ayon kay Arroyo. - Fidel Jimenez, GMANews.TV