Ilang kabataan sa Brgy. Kaunlaran, QC, inireklamo dahil sa pagnanakaw
Sakit ng ulo sa isang barangay sa Quezon City ang ilang kabataang nagnanakaw umano at gumagamit ng solvent—at nang sinita, sila pa raw ang galit.
Makikita sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo na huli sa CCTV pasado alas otso ng umaga noong Biyernes ang pagdaan ng ilang kabataan malapit sa nakaparadang pick-up.
Ang huling lalaki, tila may nakita sa likod ng pick-up. Sinilip niya ito, saka kinuha ang isang hagdan.
Ayon sa may-ari ng sasakyan, ang hagdan ay nagkakahalaga ng mahigit P6,000.
"Kinuha nila yung alloy ko na hagdan. Bale ginagamit ko siya pangsampa ng motor," ani Jomar Parayno, na bagong negosyante lang sa lugar. "Nalaman namin gabi na e. Chineck ko nung hapon, wala na."
Gabi noong parehong araw na iyon, bumalik ang mga kabataan at tila sinisipat ang inaayos pa lang na puwesto ng bentahan ng mga T-shirt para sa mga motorcycle rider ni Parayno.
Isinumbong ni Parayno sa barangay ang mga kabataan na napag-alamang mga homeless.
Sa isa pang video, makikitang sinisita ng mga taga-barangay ang mga kabataan habang nasa center island. Pero imbes na sumama, pinagmumura at pinagsisigawan nila ang mga tauhan ng barangay.
Sila rin umano ang mga kabataan na nakunan din ni Parayno na talamak ang paggamit ng solvent.
"Ang problema doon pumapalag sila pag ano. Kasi may kasama silang batang maliit. 'Yan ang pang-ano nila dahil minor," ani Barangay Kaunlaran BPSO Nilo Torres.
Pinangangambahan rin ng barangay ang umano’y mga dalang sumpak ng mga bata. "'Yung mga menor de edad kasi yun ang inuutusan nila pag nakasalisi sila e," dagdag ni Torres.
Idinulog na rin daw nina Parayno sa mga pulis ang pangyayari. — BM, GMA Integrated News