Nasawi ang isang lalaki na nakikipag-inuman sa kaniyang ex matapos siyang saksakin ng kasalukuyang live-in partner ng babae. Ang talim, naiwan pa sa loob ng kaniyang tiyan.
 
Sa ulat ni Nico Waje sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, kinilala ang biktima na si John Patrick Beño, isang engineer, na nasaksak maghahatinggabi noong Huwebes.
 
Sinabi ng Las Piñas City Police na nangyari ang insidente sa condo unit ng babae na isa ring engineer.
 
Habang nag-iinuman ang biktima at ang kaniyang ex, dumating ang suspek, at ikinagalit nito na magkasama sila.
 
Pagkasaksak, ang suspek pa ang nagdala sa biktima sa ospital. Iniulat ng ospital na naroon ang suspek, kaya siya dinakip ng pulisya habang naghihintay sa emergency room.
 
Giit ng suspek, aksidente ang nangyari at hindi niya sinasadya.
 
Nakabilanggo na ang suspek na nahaharap sa kasong murder. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News