Isang mananaya ang masuwerteng nanalo ng mahigit P225 milyon na jackpot prize sa Mega lotto 6/45 draw nitong Biyernes ng gabi, Mayo 12, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakasaad na mayroong isang tumama sa nasabing draw na ang lumabas na mga numero ay 14-05-44-25-01-36.

Umabot ang kabuuang premyo nito sa P225,248,638.00.

Huling tinamaan ng isang mananaya ang Mega Lotto 6/45 noong Marso 6, 2023, na mahigit P12 milyon ang premyo.

Sa Facebook page naman ng PCSO, nakasaad na mayroon ding 75 na mananaya ang nakahula ng lima sa anim na numerong lumabas na may premyong P32,000.00.

Samantala, wala namang tumama ng jackpot sa kasabay nitong draw na Ultra Lotto 6/58, na umabot na sa P118,372,607.20 ang premyo.

Ang lumabas na mga numero ay 56-04-44-12-39-37.

Sa FB page, nakasaad na mayroong apat na nakahula ng limang numero nito na P120,000.00 ang premyo. --FRJ, GMA Integrated News