Nakabalot sa bed sheet nang matagpuan sa tubuhan ang bangkay ng isang 35-anyos na lalaki na ilang araw nang nawawala matapos na makipagkita sa kaniyang menor de edad na chatmate sa Dingle, Iloilo.

Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV One Western Visayas sa GMA News "Saksi" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Dave Ablanzar, na huling nakitang buhay noong Huwebes.

Ayon sa pulisya, may nakilalang 17-anyos ang biktima sa isang kapistahan sa Pototan noong Mayo 8, at naging chatmate ang dalawa.

Noong Mayo 11, nagkasundo umano ang dalawa na magkita sa bahay ng suspek na si Andrei Ticar, 20-anyos.

“Habang nag-iinuman sila, niyaya ng victim ang minor na makipag-sex kaso nag-refuse ang minor. Doon na sila nag-grapple," ayon kay Police Captain Aileen Lacrite, hepe ng Dingle Municipal Police Station.

Humingi umano ng tulong ang menor de edad kay Ticar, at pinalo nito ng martilyo ang biktima.

Sinakal umano ng mga suspek ang biktima, ibinalot sa bed sheet, at itinapon sa tubuhan.

Nagtungo umano ang mga suspek sa pulisya para magbigay ng impormasyon. Pero hindi nila pinirmahan ang kanilang extrajudicial affidavit kaya hindi sila naidetine.

Ang mga suspek pa raw mismo ang nagturo sa mga awtoridad kung nasaan ang bangkay.

Pinuntahan ng GMA Regional TV One Western Visayas ang bahay ng mga suspek pero wala sila doon.

Hindi naman naniniwala ang mga kaibigan ng biktima na magagawa ni Ablanzar ang paratang laban dito.

“Kung sinasabi sila na ayaw nilang ibigay kay Dave ang sinasabi nila, come to think of it bakit nila papupuntahin doon? Kasi ang bottom line is may intention. Hindi siya nag-enter into relationship like may boyfriend. If ever may lalaki siya na close, best friend niya or close friend na hindi niya binabastos,” sabi ni Mar John Peronce, kaibigan ng biktima. —FRJ/KG, GMA Integrated News