Isang negosyanteng babae na nadawit umano noon sa isang investment scheme ang nasawi matapos pagbabaril habang sakay ng SUV sa Davao City. 

Sa ulat ni  Kent Abrigana saGMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, kinilala ang biktima na si Anabelle Elizagaque, 51-anyos.

Ayon sa pulisya, sakay ng SUV at paalis ng compound ng supplier ng container building sa Barangay Ma-a ang biktima nang lapitan siya ng dalawang salarin at pinagbabaril.

Nakatakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.

Kabilang sa posibleng motibo sa krimen na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano'y pagkakasangkot noon ng biktima sa investment scheme.

Inaalam na rin ng kapulisan kung may CCTV camera sa lugar na maaaring makatulong sa paglutas sa krimen.

Hiling ng pamilya ng biktima na mabigyan ng hustiya ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay. --FRJ, GMA Integrated News