ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OWWA inatasang maglagay ng OFW tambayan sa Hong Kong


MANILA – Inatasan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Overseas Workers Welfare Administration nitong Lunes na magtayo ng "OWWA Tambayan" sa Hong Kong kung saan madalas magtipon-tipon ang mga manggagawang Filipino sa araw ng kanilang pahinga sa trabaho. Sa pahayag mula sa Malacañang, inilabas ni Gng Arroyo ang kautusan matapos makipag-usap sa mga kinatawan ng limang grupo ng OFWs na nakabase sa Hong Kong noong Linggo sa Grand Hyatt Hotel. Nakasaad umano sa direktiba kay acting Labor Secretary Marianito Roque, na siya ring cOWWA administrator na “agad itayo ang Tambayan kapag nakakita ng tamang lugar." Hinikayat din umano ni Arroyo ang OFWs na ibenta ang kanilang mga produkto sa itatayong OWWA center at maging franchise holder doon ng "Tindahang Pinoy." Ang "Tindahang Pinoy" ay isang uri ng entrepreneurship program ng Department of Trade and Industry (DTI) upang ibenta at suportahan ang mga katutubong produkto ng Pilipinas. Tinanggap din umano ni Arroyo ang mungkahi ng mga OFWs na maglagay ng OFW Affairs Desks sa mga lokal na pamahalaan sa Pilipinas. Inaprubahan din ang paglalagay ng OFW wards sa mga pagamutan ng pamahalaan na maaari umanong simulan sa Philippine General Hospital (PGH). Kabilang umano sa dumalo sa pulong sa OFWs sina Foreign Affairs secretary Alberto Romulo, Press secretary Ignacio Bunye, Philippine Ambassador to China Sonia Brady, Consul-General to Hong Kong Alejandrino Vicente, at Eastern Samar Governor Ben Evardone, secretary-general ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP). Samantala, ang kinatawan ng OFWs ay mula sa grupo ng "PGMA Pa Rin," o "Galing Manggagawa Pinoy Abroad," WoMed HK, Federation of Visayas Associations in HK, Black Panther Consolidated HK, at World Organizers of Martial Arts HK. - Fidel Jimenez, GMANews.TV