Nasawi ang isang rider matapos siyang paputukan ng baril ng isa pang nakamotorsiklo na nagtangkang mangholdap sa kaniya sa Tanza, Cavite.

Sa ulat ng Saksi nitong Biyernes, kinilala ang biktimang si Erwin Sidon, na naidala pa sa ospital pero binawian din ng buhay kalaunan matapos magtamo ng ilang tama ng bala.

Base sa tala ng pulisya, hinarang ng nakamotorsiklong suspek na si Jeffrey Mojica Gerpacio ang biktima sa Barangay Bagtas.

Humantong sa pagtatalo ang dalawa, hanggang sa tinangka ng suspek na agawin ang sling bag ng biktima.

Pagkapalag ng biktima, bumunot ng baril si Gerpacio at pinaputukan niya ito.

Mabilis na nakatakas ang suspek na pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News