Timbog ang dalawang lalaki na bahagi ng isang grupo na ilegal na nagbebenta ng mga armas sa social media. Ang kasamahan nilang isang aktibong pulis, patuloy na pinaghahanap.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa ''24 Oras'' nitong Biyernes, makikita ang pagkikita ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group – Rizal sa mga suspek sa isang firing range sa lungsod.

Target ng mga operatiba ang isang pulis na may kasabwat umanong dalawang sibilyan.

Pagkakita sa kanila ng undercover police officer, inilabas na ng suspek na pulis ang kaniyang mga ibinibentang armas, bago umalis at iniwan ang dalawa niyang kasamahan.

Ang mga kasamahan na ng pulis ang nagdemo sa firing day ng mga armas. Ngunit tila nakatunog ang isa sa kanila at biglang nagtangkang umalis.

Nagdesisyon na ang CIDG at ang Special Action Force na isagawa ang pagdakip kina Jeffrey Dimaano at Joey España, kung saan nabawi sa kanila ang isang submachine gun, dalawang pistola at mga bala at magazine.

Sinampahan na ng reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang dalawang suspek.

Kinilala naman ang target na pulis na si Police Corporal Carmelo Frias, na naka-assign sa Station 1 ng Marikina Police na pinaghahanap sa ngayon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News