ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 na bahay sa Malabon, nasunog; senior citizen, nagtamo ng paso


Isang senior citizen ang nagtamo ng paso matapos magliyab ang apat na bahay madaling araw nitong Martes sa Brgy. Potrero, Malabon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, sinabing sumiklab ang apoy na ikinagising ng mga residente sa Rimas Road pasado alas-tres ng umaga. 

Agad na kumalat ang sunog sa magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.

Itinaas ang unang alarma, at nasa tatlo hanggang apat na firetruck ang kinailangang rumesponde.

Kinilala ang senior citizen na si Leticia, na agad lumikas kasama ang asawa. Ngunit nagtamo siya ng paso sa kanang kamay na binigyang lunas naman ng medic.

Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa sanhi ng apoy, at inaalam ang kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian.

Naapula ang sunog bago mag-4 a.m.

Sinabi ng barangay na magbibigay ito ng tulong sa 16 indibiduwal na naapektuhan ng sunog. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News

Tags: sunog, Malabon