Unang Pinoy sa Pulitzer award
Filipino ang unang Asyano na nagkamit ng Pulitzer Award, ang prestihiyong parangal na iginagawad sa Amerika para sa mga mamamahayag. Kilala nyo ba kung sino siya na nagsimulang maging reporter sa edad na 16. Isinilang sa Camiling, Tarlac ang unang Asyano na nagkamit ng parangal mula sa Pulitzer noong 1941 para sa kategoryang international journalism - siya ay si dating ambassador Carlos P. Romulo. Nagsimula siyang maging mamamahayag sa edad na 16, naging editor ng pahayagan sa gulang na 20 at publisher pagsapit ng 32. Bukod sa pagiging mamamahayag, dating sundalo si Romulo, matagumpay na pulitiko at kilalang diplomat. Katunayan, siya rin ang unang Asyano na naging pangulo ng United Nations General Assembly. Sa ngayon, anim na Filipino o may dugong Filipino ang nagkamit ng parangal mula sa Pulitzer. Pinakahuli si Jose Antonio Vargas, 27, na nagkamit ng parangal sa Pulitzer ngayong 2008. Si Vargas ay nagsusulat para sa Washington Post. - GMANews.TV