ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DA inatasang puksain ang mga peste sa palayan


MANILA – Inutos ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Martes sa Department of Agriculture na puksain ang mga peste sa palayan. Sinabi ni Gng Arroyo na dapat alisin ang mga makasasagabal upang makamit ng pamahalaan ang layunin na palakihin ang produksyon ng bigas sa bansa. Pinuri ng Pangulo ang mabilis na pagkilos ng DA upang mapigil ang pamiminsala ng rice black bug (RBB) sa lalawigan ng Isabela. "These are threats to our rice production targets and I want DA to prevent the spread of RBB or other pests to other palay fields in the province and elsewhere in the region," pahayag ni Gng Arroyo. Ang RBB na tinatayang makapipinsala ng palay ay unang namataan sa bayan ng Dinapigue sa Isabela noong Enero at pinapaniwalaang nakontrol noong Marso. Kilala ang RBB sa tawag na scotinophara coarctata na naninirahan sa mga basang lugar at inaatake ang mga sanga ng tanim na palay na dahilan upang manghina ang pananim. Ayon kay Dr Andrew Villacorta, DA regional coordinator ng Ginintuang Masaganang Ani (GMA) Rice Program sa Cagayan Valley, sinimulan na nila ang maramihang paggawa ng Metarhizium, isang bio-control agent na panlaban sa RBB. Ito ay ipamimigay sa mga magsasaka upang mapigil ang pagkalat ng peste sa lalawigan. Nagsasagawa rin umano ng information campaign at tinuturuan ang mga magsasaka kung papaano mapupuksa ang RBB. Naglagay din umano ng mga “quarantine checkpoint" sa Nagtipunan sa Quirino, ang entry point sa pagitan ng Aurora at Quirino upang mapigilan ang paglipat ng RBB, ayon kay Villarcorta. - GMANews.TV