ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Condo project ng Hanjin sa Subic binisita ng mga senador


MANILA – Ininspeksyon ng ilang senador nitong Biyernes ang $20-million condominium project ng Korean-owned company na Hanjin Heavy Industries sa kagubatan ng Subic Freeport. Nais alamin ng mga senador kung nilabag ng Hanjin ang mga environmental laws at zoning regulations sa pagtayo ng 184-unit apartment complex na titirhan ng mga empleyado nito sa loob ng Subic Bay Watershed and Forest Reserve. Ang imbestigasyon ng Senado ay ginagawa ng Committees on Environment and Natural Resources; Government Corporations and Public Enterprises; at Urban Planning, Housing, and Resettlement. Inulan ng kritisismo ang proyekto mula sa mga environmentalist at pulitiko dahil wala umanong environment compliance certificate ang proyekto nang simulan itong itayo sa forested area noong nakaraang taon. Kinastigo rin ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang ginawang pagpapaalis sa mga katutubo na naninirahan sa lugar. Bukod sa pagputol sa mga puno, pinapangambahan din na magdudulot ng pinsala ang housing project sa Subic watershed at mga hayup at halaman sa lugar. Iginiit naman ni Sen. Richard Gordon na wala ng puno sa lugar na pinagtayuan ng condominium nang bisitahin nya ang lugar noong Abril 2007. Una ng ipinaliwanag ng liderato ng Subic Bay Metropolitan Authority na hindi sakop ng ‘zero development zone’ ang lugar ng pabahay ng Hanjin at sa halip ay kasama ito sa “zone area" para sa tinatawag na low impact projects.- GMANews.TV