P45 na bigas, mabibili na sa ilang pamilihan sa Metro Manila
Sa ilang bigasan sa Mega Q Mart sa Quezon City, P45 per kilo ang pinakamurang mabibili na well-milled rice.
Ayon sa mga nagtitinda, limitado lang ang supply ng murang bigas at tatlong linggo pa lang ito nasa merkado.
Tatlo hanggang limang kilo lang ang maaaring bilhin ng bawat mamimili.
“Kapag yung tao bibili kapag kakaunti lang supply, pwede ko sila bigyan ng tatlong kilo pero kapag marami pa pwede ko sila bigyan ng five kilos. Sana tuloy tuloy na yung supplier ng merkado para matulungan naman kami matulungan namin yung mga tao,” ani Betty Miguel na mahigit dalawang dekada nang nagtitinda ng bigas sa palengke.
Samantala, pagpasok ng Setyembre ramdam na ng mga nagtitinda ang bahagyang pagbaba ng presyo ng bigas.
Mabibili ang local rice mula P52 hanggang P55 per kilo.
Naglalaro naman sa P56 hanggang P60 per kilo ang imported rice depende sa klase.
“Dahil daw sa taripa naging 35 percent to 15 percent na lang kaya ang mangyayari siguro bababa yung imported kaysa sa local. Konti lang ang ibinaba ng local,” ani Maynard Zara na may-ari ng bigasan.
Umaasa ang mga nagtitinda na magtutuloy tuloy ang pagbaba ng presyo ng bigas.
“Mas maganda sana kung tuloy tuloy na yung pagbaba. Wala rin kami tinutubo bakit kamo yung sa trucking namin kapag nagbaba pa tauhan ko syempre meron din sa kanila,” sabi ni Miguel.
Ikinatuwa ng mga mamimili ang bahagyang pagbaba ng presyo ng bigas.
Kahapon, kabilang ang Mega Q Mart sa tatlong palengke na binisita ni House Speaker Martin Romualdez kasama ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at Philippine Rice Industry stakeholders Movement o PRISM.
Na-obserbahan nila ang pagbaba ng presyo ng bigas na dulot daw ng pagbaba ng taripa nito. --VAL, GMA Integrated News