ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Imbestigasyon sa NBN-ZTE 'di dapat isara - Lacson


MANILA – Nagbabala si Opposition Sen. Panfilo Lacson nitong Miyerkules laban sa planong pagsasara ng imbestigasyon ng Senado sa $329.48-milyong ZTE national broadband network deal. Ang pahayag ay ginawa ni Lacson kaugnay sa ulat na maglalabas ng paunang committee report ang mga komite na nagsiyasat sa kontrobersiya sa pangunguna ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano. Ayon kay Lacson hindi siya tutol sa pagpapalabas ng paunang committee report ngunit dapat ipagpatuloy pa rin ang imbestigasyon sa kontrata na pinapaniwalaang puno ng anomalya. Nagbabala siya na magbibigay ng maling mensahe sa mga testigo na ayaw humarap sa Senado kung kaagad tatapusin ang imbestigasyon. "Parang ginantimpalaan namin ang mga nag-i-isnab ng hearing," paliwanag ni Lacson sa panayam ng dzEC radio. Sa halip na tapusin ang imbestigasyon, pinayuhan ni Lacson si Cayetano na magpursige na habulin ang mga "available" witnesses. Sinabi ni Lacson na may impormasyon na nasa bansa si Ruben Reyes at naglalaro ng golf sa Wack-Wack golf club sa Mandaluyong City. Si Reyes ay sinasabing isa sa mga namagitan sa kontrata. Kasalukuyang nakabinbin ang imbestigasyon ng Senado habang hinihintay ang pinal na desisyon ng Supreme Court sa usapin ng “executive privilege" na inihain ni dating Socio-economic planning Sec. Romulo Neri. "Hindi pa resolved ng Korte Suprema iyan. Kay Neri pag nanalo kami, paano kung nakagawa kami ng committee report?" ayon kay Lacson. - GMANews.TV