ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pag-angkat ng bigas gagawing gov't-to-gov't


MANILA – Ibinasura ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang sistema ng pagsubasta sa pag-angkat ng bigas at sa halip ay direktang makikipagnegosasyon na lamang sa pamahalaan ng bansang pagmumulan ng aangkating bigas. Ang desisyon ay ginawa ni Gng Arroyo matapos mabigo ang subasta sa pag-angkat ng bigas noong Lunes, ayon sa ulat ng dzBB radio nitong Martes. Ang pahayag para sa bagong sistema ng pag-angkat ng bigas ay ginawa ni Arroyo sa isang media forum sa Camarines Sur, isang araw matapos ideklara ng National Food Authority (NFA) na bigo ang bidding para sa pag-angkat ng 675,000 metriko toneladang bigas. Sinabi ni Arroyo na mas makabubuti ang government-to-government deal sa pag-angkat ng bigas upang hindi tumaas ang presyo nito. Maging ang ilang ministro umano sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) ay nangangamba sa sistema ng subasta. Kinumpirma ni Agriculture Sec. Arthur Yap ang government-to-government deal at tiniyak na magiging lantad sa publiko ang papasuking kontrata ng pamahalaan kahit wala na ang subasta. "You can say that procurement of rice from Vietnam and other requesting countries can now be done using alternative modes of procurement under RA 9184 and as cleared with the government policy procurement board," paliwanag ni Yap. "We will avail of the alternative modes, but let nobody say that we will just do anything we want dahil wala ng bidding, this will be governed by the law," idinagdag ng kalihim. Nilinaw ni Yap na tatalakayin pa rin sa Gabinete ang bagong sistema ng pag-angkat ng bigas upang makuha ang pananaw ng ibang kalihim. "Because foreign suppliers would only want to supply rice in such a way that it will not drive up prices of rice... Ayaw nilang magbigay ng sovereign guarantee, they want to negotiate not under an open public tender because it tends to shore up prices," ayon kay Yap. Sinabi naman ni Budget Sec. Rolando Andaya Jr na ang hakbang sa pag-angkat ng bigas ay maaaring hindi na dumaan sa procurement policy board. Una rito, sinabi ni NFA deputy administrator Ludivico Jarina na malabong magtakda ng bagong pagsubasta ang ahensya sa malapit na hinaharap para sa pag-angkat ng bigas. "We have already procured the critical mass volume we need. Considering that we have already procured a total 1.713 million metric tons, that's enough for us to tide over the lean months," paliwanag ni Jarina. - Fidel Jimenez, GMANews.TV