ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Welga sa transportasyon gagawin sa Lunes - Piston


MANILA – Maglulunsad ng nationwide transport strike sa Lunes (May 12) ang isang grupo ng mga tsuper at operator upang iginiit ang pagbasura sa expanded value added tax (EVAT) sa langis at Oil Deregulation Law upang bawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo. Sa ulat ng dzBB radio nitong Biyernes, ang welga ay pamumunuan ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston). Nilinaw nila na hindi kasama sa kanilang protesta ang paghingi sa dagdag na pamasahe. Maglalagay umano ang Piston ng mga rally center sa Alabang sa Muntinlupa; Monumento sa Caloocan City; Novaliches-Bayan, Cubao, Kalayaan avenue corner Kamias, Philcoa sa Quezon City: Marikina, Taytay Market sa Rizal; Welcome Rotunda, Pier South at Aduana Circle sa Manila. Mayroon din piling "route strike" sa Baguio City; Central Luzon; Southern Tagalog; Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes at Masbate. Samantala, magkakaroon din ng dalawang araw na transport strike sa Negros Occidental simula sa Lunes, ayon sa Piston. Nagpahayag naman ng suporta ang organisasyon ng mga manggagawa na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa mga itatayong strike center ng Piston. "KMU shall not just provide moral support. Aside from the active participation of its member organizations in the twelve selected rally centers in the NCR, coordinated protest actions shall be held in factories and communities on May 12. KMU member organizations located outside Metro Manila shall be enjoined to establish rally centers in their areas," ayon sa pahayag ni KMU chairman Elmer Labog. Suportado umano ng KMU ang panawagan ng Piston na ibasura ang EVAT sa produktong petrolyo at Oil Deregulation Law. Isusulong din umano ng KMU na dagdagan ang sahod ng mga obrero sa pamamagitan ng P125 wage hike bill. - GMANews.TV