ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulong Duterte, iwas magsalita sa reklamong pananakit sa Davao City


Umiwas magbigay ng pahayag si Davao City Representative at reelectionist Paolo "Pulong" Duterte tungkol sa reklamong pananakit at pagbabanta na inihain sa kaniya ng Department of Justice (DOJ).

"Sa mga kapatid kong Davaoeño, ngayon may nakita na naman kayong video. Matagal-tagal na itong nangyari. Ah sige lang, nasa sa inyo pa rin ang desisyon kung sino ang inyong ibobotong congressman sa unang distrito. 'Di ako makikialam," sabi ni Duterte sa Cebuano sa isang video sa kaniyang Facebook account.

Ayon kay Duterte, wala pa siyang natatanggap na kopya ng reklamo, at bineberipika ng kaniyang legal team ang isang video kung saan nakita umano ang kaniyang pisikal na pag-atake sa isang lalaki.

"Sinabihan ako ng abogado na until now inu-authenticate pa nila kung saan galing 'yung video. So parang nauna 'yung file niyan, ewan kung sa CIDG ba naunang mag-file sa CIDG ang testimony, ang affidavit sa social media instead sa fiscal. So 'di ako makagawa ng statement niyan kasi 'di kami nakatanggap ng dokumento na may nag-file sa akin ng kaso," sabi niya.

Bago nito, isang negosyante ang naghain ng reklamo para sa physical injuries at grave threats laban kay Duterte sa Department of Justice (DOJ).

Batay sa reklamo, inakusahan si Duterte ng paglabag sa Article 265 at Article 282 ng Revised Penal Code.

Naganap umano ang insidente noong Pebrero 23, Linggo, sa isang bar sa Davao City.

Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon ang paghahain ng reklamo laban kay Duterte.

Sa kaniyang sinumpaang salaysay, sinabi ng complainant na binantaan siya ni Duterte gamit ang isang kutsilyo at binugbog siya ng halos dalawang oras.

“At hineadbutt niya ko sa ulo nang maraming beses at ako ay humihingi sa kanya ng patawad kung ano man ang nagawa kong mali sa kanya, ngunit patuloy pa rin siya na hineadbutt ang aking ulo at inuundayan niya ulit ako ng kutsilyo,” saad ng complainant.

Ayon sa kaniya, pinatay ni Duterte ang CCTV matapos mapansin na mayroon nito sa lugar.

“Halos 2 hours niya akong sinaktan sa loob ng bar. Suntok, sampal, tadyak, ang aking inabot kay Paolo Duterte dahil sa galit niya sa akin,” saad ng complainant.

Pagkatapos nito, inabutan umano siya ni Duterte ng P1,000 sa bawat suntok na tinamo niya.

Ayon sa complainant, hindi siya humingi ng medikal na atensyon o nagsampa ng legal na kaso dahil sa takot.  —VAL, GMA Integrated News