2, sugatan matapos ang barilan sa gitna ng botohan sa Abra
Dalawa katao ang sugatan matapos sumiklab ang isang insidente ng barilan sa mismong araw ng Eleksyon 2025 sa Barangay Sagap sa Bangued, Abra.
Sa ulat ni Jonathan Andal ng GMA Integrated News, sinabing naganap ang insidente pasado 7 a.m., kung saan maririnig sa isang viral cellphone video ang alingawngaw ng putok ng baril at sigawan ng mga botante sa Sagap Elementary School.
Dahil dito, nabulabog ang mga botante at hinimatay pa ang ilan.
Paglilinaw naman ng kapitana ng barangay na hindi sa loob ng eskwelahan naganap ang putukan kundi sa kalapit na ilog, 200 metro ang layo mula sa paaralan.
Wala pang katiyakan kung sino ang mga nagpaputok.
Ayon sa pulis na team leader ng security sa paaralan, bago mangyari ang putukan, bumaba sa tapat ng paaralan ang mga lalaking nakaputi na sakay ng dalawang sasakyan.
Nag-video sila at gumawa ng komosyon, ngunit wala naman umano silang nakitang may dala-dalang baril ang mga ito.
Ngunit pagkaraan ng isa o dalawang minuto matapos umalis ang mga kalalakihan, doon na umalingawngaw ang mga putok ng baril.
Nagdagdag na ng puwersa ang pulisya sa Sagap Elementary School, samantalang muling itinuloy ang botohan sa lugar.
Ayon sa hepe ng Bangued Police, nagtamo ng tama ng bala sa balikat at sa likod ang dalawang biktima.
Wala pang katiyakan kung sinadyang binaril ang mga biktima, o tinamaan lang sila ng ligaw na bala.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.