ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bangko nilooban, 9 pinatay sa Laguna


MANILA – Walong empleyado, kabilang ang bank manager at isang security guard sa isang bangko sa Cabuyao, Laguna ang pinaslang matapos looban ng mga hindi kilalang salarin ang establisamiyento nitong Biyernes. Kaagad na binuo ni Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Quezon) regional police Chief Superintendent Ricardo Padilla ang isang task force upang lutasin ang krimen na naganap sa loob ng Rizal Commercial Banking Corp (RCBC). Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na pinahilera ang mga biktima at malapitang pinagbabaril sa ulo. Isa pa sa mga empleyado ang kritikal ang kalagayan sa ospital na kinilalang si Isagani Pastor, PR manager ng bangko. Ang mga nasawi ay kinilalang sina: - Roberto Castro, bank manager - Olga Gonzales, new account teller - Maria Theresa Umayam, teller - Benjamin Nicdao, Jr , teller - Noel Miranda, operations assistant - Bernardo Lapaan, cashier - Baltazar Aguilando, security guard - Juan Leyva, utility - Ferdinand Antonio, bank client "We believe kakilala ito. Everyone was shot in the head," pahayag ni Padilla sa panayam ng dzBB radio. Hindi inaalis ang posibilidad na inside-job ang nangyari at posibleng nasa loob na ang mga salarin bago pa man dumating ang mga empleyado ng bangko. "This is the handiwork of the devil and we will not let this pass," ayon kay Padilla. "They were killed in a gangland-style execution. Each of the victims shot in the head while lined up." May posbilidad din umano na may silencers ang baril na ginamit sa pagpatay sa mga biktima dahil wala umanong narinig na putok ang mga residente na malapit sa bangko. Hindi pa matiyak kung magkano ang halaga na nakuha sa bangko at kung ano ang grupong nasa likod ng krimen. – GMANews.TV