ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagbaril at pagpatay sa magreretirong Meralco employee, sumuko na


Sumuko na ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang kawani ng Manila Electric Company (Meralco) na hinihinalang road rage incident sa Dasmariñas, Cavite noong nakaraang linggo.

Sa isang press conference, iprinisenta ngayong Lunes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at Cavite Police Provincial Police, ang 44-anyos na suspek.

“The suspect was identified as a resident of his barangay and the barangay captain to his credit immediately went cooperating with the police for the manhunt and the eventual surrender of the suspect,” ayon kay Remulla.

Nangyari ang pamamaril sa kalsada noong Agosto 27, habang patungo ang biktima sa opisina para dumalo sa kaniyang retirement party.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na parehong nakahinto at magkatapat ang mga sasakyan ng biktima at suspek sa Abad Santos Avenue sa Barangay Salitran 3. Maya-maya lang, umarangkada na ang kotse ng suspek at naiwan na ang biktima na binaril na pala.

Natukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek matapos makuhanan ng plaka ang sasakyan nito.

Sasampanan ng kasong murder ang suspek. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News

Tags: crime, road rage