ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bentahan ng mga bilog na prutas sa Pasay at lechon sa QC, matumal pa


Bentahan ng mga bilog na prutas sa Pasay at lechon sa QC, matumal pa

Matumal pa ang bentahan ng mga bilog na prutas sa Pasay City, at lechon sa Quezon City, ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa ulat ni Mao dela Cruz ng Super Radyo DZBB, sinabi ng isang tindero sa kanto ng Libertad at P. Villanueva Street sa Pasay City na bagama’t kumpleto ang supply ng prutas, hindi pa dagsa ang mga mamimili ilang araw bago ang Disyembre 31.

Ang mangosteen mabibili sa halagang P250 kada kilo.

Ang mansanas naman, may tatlong maliliit na piraso sa halagang P100, may tatlo sa halagang P50 at mayroon ding P40 na malaking piraso kada isa.

Halagang P25 naman ang lemon kada piraso. Ang dragon fruit naman P270 hanggang P300 kada kilo. Ang kiwi, P270 hanggang P300 kada kilo, o P25 kada piraso.

 



Halagang P350 kada kilo naman ang green grapes habang P250 kada kilo ang violet grapes.

Halagang P120 ang kiat-kiat kada kilo, habang ang kiat-kiat naman na maliliit o nasa supot ni Hudas naman ay P60.

Ang pakwan naman, P320 hanggang P350, habang ang seedless na pakwan, nasa P90 kada kilo. Ang suha naman, P130 kada kilo. Ang melon, ay P100 kada piraso at ang pinya ay P120 kada piraso.

Nagsimula na ring magbenta ng torotot ang mga tindero sa Pasay City.

May mabibili na tatlong piraso sa halagang P100, may tig-P50, at ang mahahabang torotot ay P150.

Lechon

Samantala, matumal din ang bentahan ng lechon sa La Loma sa Quezon City sa ngayon, ayon sa hiwalay na ulat ni Christian Maño sa Super Radyo DZBB.

Sinabi ng ilang nagtitinda na bukod sa pagtitipid ng ilang mamimili, alam nila na apektado ang bentahan ng lechon dahil sa isyu ng African Swine Fever (ASF) sa La Loma.

Kamakailan, umaasa ang mga litsunero na makababawi sila sa benta nitong Bagong Taon na may kaniya-kaniya nang gimik.

Puwede na ang lechon na online order at libreng delivery, mayroong mga may libreng tikim o free taste.

 



Ilang tindero at tindera naman ang nag-aalok ng libreng putahe na gawa sa laman loob para sa mga bibili ng buong litson, gaya ng libreng bopis, dinuguan, o bituka.

Sa ngayon, maraming pumupunta at tumitingin pero hindi pa bumibili dahil limang araw pa bago ang Bagong Taon.

Sinabi ng ilang mamimili na mas gusto pa rin talaga nilang mamili ng lechon sa La Loma dahil tradisyon na at nakagawian na. Ang iba naman ang nagsasabi na mas gusto nilang mabili sa La Loma dahil subok na nila ang kalidad.

Nagkakahalaga ng P7,000 ang presyo ng isang maliit na lechon de leche sa La Loma, na kayang pakainin ang hanggang 10 hanggang 15 katao.

Pinakamahal naman ay P30,000 na super jumbo, na kayang pakainin ang higit 100 katao, habang halagang P65,000 naman ang baka na kaya ring pakainin ang higit 100 katao.

Ang lechon belly naman ay nagkakahalaga ng hanggang P10,000. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News