Inflation rate ngayong Pebrero 2026, umakyat sa 2.4%
Umakyat sa 2.4% ang inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa buwan ng Pebrero.
Ito ang iniulat ng National Statistician at Civil Registral General ng Philippine Statistics Authority na Claire Dennis Mapa sa isang pulong balitaan sa Quezon City nitong Huwebes.
Nasa 2.0% ang inflation rate nitong Enero 2026 at 2.1% naman noong Pebrero 2025.
Ang pangunahing dahilan ng mataas na inflation ngayong buwan kumpara sa nagdaang buwan ay ang mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages na may 1.8% inflation rate. Ito ay 65.6% share ng pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa.
Ang nag-ambag sa mataas na food and non-alcoholic beverages ay ang mabagal na pagbaba ng presyo ng cereals and cereal products, partikular na raw ang bigas.
Ikalawang dahilan ng mataas na inflation ang pagtaas ng presyo ng housing, water, electricity, gas and other fuels na may 3.5% inflation rate. Ito raw ay may 10.6% share sa overall inflation.
Pangatlong dahilan ang mabilis na pagtaas ng presyo ng restaurants, cafes, at iba pa sa sektor ng restaurants and accomodation services
Lumalabas na housing, water, electricity, gas, at other fuels ang commodity group naman ang pangunahing nag-ambag sa overall inflation ngayong Pebrero 2026 na nagtala ng 3.5% inflation rate at mayroong 29.9% share sa pangkalahatang inflation sa bansa.
Sa gitna ng giyera sa Gitnang Silangan, ano ang nakikitang outloook ng PSA?
Ang transport basket daw ay nasa -0.3% ngayon at ang presyo ng diesel nasa -1.3%, gasoline -5.7%.
Pero kapag tiningnan daw ang time series lalo na sa month on month prices, tumataas na raw ang presyo bago pa ang March at lumalapit na sa nagdaang mga taon na halaga tulad noong monthly data ng 2025.
Kaya maaaring sumampa na sa lower negative inflation territory o magsi-shift na sa pagtaas ng inflation.
Hinihintay pa raw nila ang mga ulat sa weekly price changes pero mindful sila na magkakaroon ng pagtataas sa presyo ng langis.
Aminado si Mapa na may mga risk na maaring mangyari bunsod ng gulo sa Middle East.
“May mga risk tayo, 'yung risk of course ay coming directly from the transport basket na sabi ko nga kanina presyo ng diesel at gasoline at kadalasan may impact din siya sa ibang item, housing, water, electricity, gas and other fuels particularly electricity and LPG so ito 'yung mga risk factors and possible spill over sa iba pang mga commodities as I mentioned kanina some food items. But of course we will look at the overall picture,” ani Mapa.
Noong 2022 nang magsimula ang full-scale war sa pagitan ng Russia at Ukraine, naitala raw ang pagtaas sa presyo ng krudo at gasolina at nadamay na rin sa epekto nito ang iba pang produkto.
"Obviously 'yung mga spill over effects noon nandoon na rin sa mga commodities just like what we experienced in 2022. So, in fact noong 2022, kapag tumataas ang presyo ng diesel, gasoline, 'yun 'yung una and then susunod 'yung price noong transport sumusunod kaagad ang presyo, tumataas ang presyo ng commodities. In particular, 'yung fish and meat, 'yun ang nakita natin last time. So may initial impact which is on the prices of fuels which we are seeing first week and may signal na mag-i-increase ulit on the second week so makikita naman kaagad natin 'yon dito. Then makikita rin natin 'yung impact niya, normally, mag-a-adjust titingnan natin sa datos, nag a-adjust din 'yung ibang commodity particularly sa food and that would be the risk to the overall inflation,” sabi ni Mapa.
May projection ang Bangko Sentral ng Pilipinas na maaring sumipa sa 4% level ang inflation rate sa bansa ngayong 2026 at 2027 kapag sumampa sa $80 per barrel ang halaga ng langis sa world market.
Pero sabi ni Mapa, mahaba pa naman daw ang taon at nasa Pebrero lamang at kasalukuyang ginagawa ang data collection para sa Marso.
“We don't know yet the number but as I also mentioned a while ago there are potential risk sa upward movement for the overall inflation particularly 'yun nga namention ko galing sa fuel, galing sa housing, water, electricity, gas and other fuels and possibly spill over effects on food items,” paliwanag niya. —AOL, GMA Integrated News