ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lacson hindi nakalusot kay Miriam sa paglabas sa ads


MANILA – Hiniling ni Senador Miriam Defensor Santiago nitong Miyerkules sa Commission on Elections na linawin sa mga pulitiko lalo na ang mga pumoporma sa 2010 polls ang probisyon sa batas laban sa “premature campaigning." Sa ulat ng GMA News’ 24 Oras, hindi kinagat ni Santiago ang paliwanag ni Sen. Panfilo Lacson na ang pag-endorso niya sa isang skin treatment center ay “sideline" lamang. “Give me a break," hirit ni Santiago sa paliwanag ni Lacson. “They can’t claim that they are indigent or they need to raise money." “And some of them don’t deserve to inflict their faces on a television audience," idinagdag ng senadora na naniniwalang bahagi ng pangangampanya ang mga anunsyo ng kanyang mga kasamahan sa Senado. “Several mutative candidates for 2010 elections whether presidentiables, vice presidentiables or senatoriables are already campaigning in the guise of commercial advertising and [they are violating the] law," aniya. “And we lawmakers should not be among the first to violate the law." Si Senate President Manny Villar, na ikinokonsiderang presidentiable sa 2010 polls, ay pabor na bumuo ang Senado ng malinaw na patakaran sa pag-endorso ng produkto at serbisyo. Nangangamba siya na dumating ang panahon na maging paksa ng imbestigasyon sa Senado ang produkto o kumpanya na iniindorso ng isang senador. “Baka pwedeng pag-usapan ng maliwanag kung ano talaga rules dito para maging gabay naming lahat ngayon kasi malabo," ayon kay Villar na dating nag-endorso ng tootpaste na gawa ng Filipino. Ngayon naman ay adbokasiya upang tulungan ang mga nagigipit na overseas Filipino workers ang laman ng anunsyo ni Villar. Si Sen. Loren Legarda na nag-endorso ng isang “kontrobersyal" " whitening food supplement, ay pinuna ang “advocacy" advertisement ni Vice President Noli De Castro sa pautang sa pabahay ng pamahalaan sa pamamagitan ng PAG-IBIG funds. “Daang-daang milyon ang ginagastos para sa radio at TV ad na ‘yan… siguro yun ang tingnan," ayon kay Legarda. Wala namang nakikitang masama sa pag-endorso ang mga beteranong senador na sina Aquilino Pimentel Jr at Juan Ponce Enrile. – Fidel Jimenez, GMANews.TV