ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 patay, 18 sugatan sa pagsabog sa Zamboanga


MANILA – Dalawa ang patay at tinatayang 18 ang sugatan sa naganap na pagsabog malapit sa Edwin Andrews Airbase sa Zamboanga City nitong Huwebes. Sinabi ni Colonel Darwin Guerra, commander ng Task Force Zamboanga, na dead on arrival ang dalawang biktima sa Zamboanga hospital. Kritikal din umano ang kondisyon ng isa sa 18 sugatan. Ngunit sa impormasyon mula kay Senior Superintendent Lurimer Detran, acting police chief ng Zamboanga City, isa lamang ang patay at 10 ang nasaktan. Sa panayam ng dzBB radio, kinilala ni Detran ang nasawi na si Ayesa Dumaguis. "We have 11 casualties, one of the casualties has expired," ayon kay Detran. Sa hiwalay na panayam ng dzBB, dalawa umano sa mga nasugatan ay empleyado ni Zamboanga Rep. Ma. Isabel Climaco. Malapit umano sa tanggapan ni Climaco ang pinangyarihan ng pagsabog. Naniniwala si Climaco na hindi siya ang target ng mga taong nagtanim ng pampasabog. Ayon kay Guerra naganap ang pagsabog ilang metro lang ang layo sa Gate 1 ng Edwin Andrews Air Base. Naghihintay umano ang mga biktima na makasakay sa eroplanong C-130. Wala umanong sundalo na nabiktima sa pagsabog na tinawag ni Guerra na " act of terrorism." Nagsasagawa pa umano ng imbestigasyon ang awtoridad kung anong uri ng pampasabog ang ginamit ng mga suspek..- GMANews.TV