ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Rape at pag-video sa Pinay OFW sa Saudi 'di totoo - DFA
MANILA â Binawi umano ng isang babaeng overseas Filipino workers ang kanyang kwento na ginahasa siya ng kanyang amo kasama ang tatlong iba pa, at kinunan ng video sa Al-Qatief, Saudi Arabia, ayon sa pahayag ng Foreign Affairs Department nitong Huwebes. Ang âpanggagahasa" sa hindi pinangalanang OFW ay unang ipinaabot sa media ng OFW group na Migrante International na nakabase sa Middle East at sinundan naman ng pahayag ni Sen. Loren Legarda. Ayon sa pahayag ng DFA, nakauwi sa Pilipinas ang âbiktima" nitong Miyerkules at inamin na âgawa-gawa" lamang niya ang kanyang kwento upang makuha ang atensyon ng pamahalaan para makauwi kaagad sa bansa. Nakasaad din umano sa pahayag ng âbiktima" na binayaran siya ng kanyang amo na nagkakahalaga ng 6,700 riyals, at nagpaabot ng pasasalamat sa ibinigay na tulong ng embahada. Napag-alaman na kaagad nagpadala ng kinatawan ng embahada si Philippine Ambassador to Saudi Arabia Antonio Villamor sa Al-Qatief â700 kilometero mula sa Riyadh â upang imbestigahan ang ulat tungkol sa âbiktima." Nakipag-ugnayan umano ang opisyal ng embahada sa pulisya ng Al-Qatief upang ipatawag ang amo ng OFW noong Mayo 26 para alamin ang kaso. Matapos malaman ang katotohanan, pumayag ang amo ng âbiktima" na pauwian ang OFW at sinagot ang gastos sa kanyang repatriation. Pinuri naman ni Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo si Villamor at mga tauhan nito sa mabilis at atensyon na ibinigay sa kaso ng âbiktima." Una rito, sinabi ni Legarda na ang âbiktima" ay isang Ifugao na naninirahan sa Quirino. Sa mga email na natanggap ng GMANews.TV, ilang OFWs sa Middle East ang nagpahayag ng pagkadismaya sa kaso ng âbiktima." Nangangamba sila na magkaroon ng masamang epekto ang nangyari sa Al-Qatief sa mga OFW na totoong magiging biktima ng pang-aabuso. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
More Videos
Most Popular