ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Law department ng Comelec may bago ng pinuno


MANILA – May itinalaga na ang Commission on Elections (Comelec) sa “mapanganib" na posisyon kung saan dalawang dating opisyal dito ang tinambangan at pinatay sa loob lamang ng halos limang buwan. Inihayag ni James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec na pinagtibay ng en banc ang pagtatalaga kay Ferdinand Rafanan bilang bagong pinuno ng legal department ng komisyon. Si Rafanan ay dating director ng Comelec sa National Capital Region (NCR). Sa termino ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr, inilapat si Rafanan sa Region 8 mula sa dati nitong puwesto bilang pinuno ng education and information department noong December 2006. Sinasabing inilipat si Rafanan sa Region 8 dahil sa pagtutol nito na berepikahin ang mga lagda na nakalap ng grupong Sigaw ng Bayan na nagsusulong ng pag-amyenda ng Saligang Batas sa pamamagitan ng Peoples Initiative. Noong 2004 elections, inalis din si Rafanan sa NCR at inilipat sa Eastern Visayas dahil umano sa pagkontra sa ilang kandidato na lumalabag sa batas tungkol sa paglalagay ng mga poster at advertisement. Dalawang buwan ng bakante ang posisyon ng pinuno ng law department matapos barilin at mapatay noong Marso 2008 ang officer-in-charge director na si Wynne Asdala sa Intramuros, Manila. Ngunit bago naging OIC si Asdala, nauna ng binaril at pinatay ang pinalitan niyang si Alioden Dalaig sa Ermita, Manila noong November 2007. - GMANews.TV