Mag-inang Loren Legarda at Leandro Leviste, umalis ng bansa-- NBI
Magkahiwalay na umalis umano ng bansa ang mag-inang sina Senadora Loren Legarda at Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Nitong Biyernes, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nagtungo umano si Leviste sa Hong Kong, habang bumiyahe naman si Legarda patungong France noong Agosto 2, Linggo.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay Senador Erwin Tulfo matapos makipagpulong kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, sinabi nito na naka-medical leave si Legarda.
"She asked for permission, she filed for leave of absence. It is a medical leave," ani Tulfo.
Nang tanungin kung mayroong travel authority mula sa liderato ng Senado si Legarda, sinabi ni Tulfo na, "Yes, I believe it is dated August 3 to 5."
"That is why during the last [impeachment] hearing, she wasn't around," dagdag ni Tulfo.
Kinumpirma naman ng kampo ni Legarda na naka-medical leave ang senadora.
Nangyari ang pag-alis ng dalawa sa harap ng anunsyo ng Office of the Ombudsman na iniimbestigahan ang mag-ina kaugnay ng mga reklamong plunder at graft na nagkakahalaga ng ₱10 bilyon.
Tungkol ito sa umano'y kabiguan ng renewable energy company ni Leviste na magbigay ng solar power alinsunod sa itinakda ng congressional franchise nito. Pinaniniwalaan naman na may kinalaman si Legarda para makakuha ng prangkisa ang kaniyang anak.
Hiwalay ding iniimbestigahan ng NBI si Leviste kaugnay ng umano'y tangkang idawit o i-frame up sa isang kontrobersiya si Executive Secretary Ralph Recto.
Itinanggi ni Leviste ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Sinabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na wala siyang impormasyon tungkol sa pag-alis ni Legarda.
"I don't have any information about her foreign trip. Hindi pa po kami nag-uusap tungkol sa trip niya," sabi ni Gatchalian sa mga mamamahayag.
Idinagdag niya na hindi na kailangan ni Legarda ang travel authority mula sa Senado. — Joahna Lei Casilao/Llanesca T. Panti/John Consulta/FRJ, GMA News