ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Aktor na si Rudy Fernandez pumanaw na
MANILA â Pumanaw na ang aktor na si Rudy Fernandez dahil sa sakit na pancreatic cancer nitong Sabado ng umaga sa edad na 56. Binawian ng buhay si Fernandez dakong 6:15 a.m., isang buwan matapos siyang ibalik sa kanyang tahanan mula sa pagkakaratay sa ospital. Dinala na rin noon sa Amerika si Fernandez upang magpagamot mula nang matuklasan ang kanyang sakit dalawang taon na ang nakalilipas. Hinigpitan na ang seguridad sa Heritage Memorial Park and Crematorium sa Taguig, kung saan nakalagak ang mga labi ng aktor. Ayon kay Sen. Ramon âBong" Revilla Jr., matalik na kaibigan ni Fernandez, bukas sa publiko ang lamay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tagahanga ng pumanaw na aktor na masilayan sa huling pagkakataon ang kanilang iniidolo. Bukod sa asawang si Lorna Tolentino at mga anak nila, kaagad na dumating sa lugar ang mga kaibigan ni Fernandez at kasama sa industriya na sina Sen. Jose "Jinggoy" Estrada, Amy Austria, Gina Alajar, Tirso Cruz III, at Philip Salvador. Ayon kay Lolit Solis, manager ni Fernandez, si Estrada ang nag-asikaso sa lamay at paglilibingan ng aktor. "Mabuti namatay siya sa pagtulog, talagang hirap na siya. Di niya kaya, di makatayo," ayon kay Solis. Sinabi ni Solis na nakaramdam ng matinding sakit si Fernandez noong Martes ng gabi ngunit tumanggi ito nagpadala sa ospital. "Pagdating sa bahay, iba na. Di na nakakikilala, hinang-hina na," kwento nito. Idinagdag ni Solis na si Fernandez mismo ang humiling na iuwi na siya sa bahay sa kabila ng pag-aalinlangan ng mga duktor dahil sa kanyang kondisyon. 'Daboy' Si Fernandez na nakilala sa tawag na "Daboy" ay isinilang noong Marso 3, 1953. Anak siya ni Gregorio Fernandez na isang direktor sa pelikula. Nagsimula siyang gumawa ng pelikula noong dekada 70âs mula sa pag-aaral sa University of Sto Tomas. Nakilala si Fernandez sa mga pelikulang hango sa buhay ng mga kilalang personalidad. Sumikat si Fernandez nang gawin ang pelikulang "Bitayin si Baby Ama" noong 1976 tungkol sa buhay ng isang hoodlum. Sinundan ito ng "Ang Leon, Ang Tigre at ang Alamid" noong 1979. Ginawa din niya ang pelikulang "Markang Bungo" noong 1992 na kwento sa buhay ng isang awtoridad. Tumanggap ng dalawang FAMAS Best Actor awards si Fernandez para sa mga pelikulang "Batuigas...Pasukuin si Waway" noong 1984 at "Victor Corpuz" noong 1988. Kamakailan lang, ipinagkaloob ng Philippine Movie Press Club (PMPC) kay Fernandez ang parangal na Ulirang Artista Lifetime Achievement Award sa 24th Star Awards for Movies. Tumanggap din siya ng Film Academy of the Philippines FPJ Lifetime Achievement Award. May isang anak si Fernandez sa aktres na si Alma Moreno na si Mark Anthony Fernandez na isa ring aktor ngayon. Dalawa naman ang naging anak ni Fernandez sa kabiyak nitong si Lorna Tolentino. Noong 2001, kumandidatong alkalde si Fernandez sa Quezon City sa ilalim ng partido ni dating Pangulong Joseph Estrada. Ngunit natalo siya kay Feliciano Belmonte Jr. na kasalukuyang alkalde ng lungsod. - GMANews.TV
Tags: rudyfernandez, daboy
More Videos
Most Popular