ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Flood control master plan ng Aquino admin, ikinukonsiderang pag-aralan ng DPWH, ayon sa Malacañang


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinabi ng Malacañang nitong Huwebes na ikinukonsidera ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-aaral ang master plan tungkol sa paglutas sab aha na ginawa noong administrasyon ng dating Pangulong Benigno Aquino III.

Sinabi ito ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing nitong Huwebes, batay sa impormasyong ibinahagi umano sa kaniya ni Public Works Secretary Vince Dizon.

“Sa ngayon po ay merong nababanggit si Secretary Vince Dizon patungkol do’n sa Aquino-Singson master plan. At ‘yan po ang isa sa mga maaaring pag-aralan,” ani Castro.

“Kasama na rin ang binanggit ni Secretary Vince Dizon patungkol sa flood control master plans para sa major river basins. So ‘yan po ay pagsasama-samahin at titingnan at kailangan na po rin i-update,” dagdag ng opisyal.

Ayon kay Castro, binigyang-diin din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pangangailangang i-update ang mga plano upang matugunan ang mga epekto ng climate change.

Matatandaang noong 2012, inaprubahan ng administrasyong Aquino ang isang pangmatagalang flood management master plan na nagkakahalaga ng ₱351 bilyon upang lutasin ang problema sa pagbaha sa National Capital Region.

Noong panahong iyon, itinuring itong “pinakamagastos at pinakaambisyosong” flood control plan.

Sinabi noon ng kalihim ng DPWH na si Rogelio Singson, na matatapos lamang ang buong pagpapatupad ng flood control plan sa 2035, dahil kabilang dito ang malalaki at malawakang mga proyektong pang-imprastraktura.

Ayon kay Castro, hindi naipasa ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasalukuyang administrasyon ang naturang master plan.

Nitong Miyerkoles, sinabi ni Marcos na mayroon nang flood control master plan ang bansa sa loob ng ilang dekada, ngunit hindi ito naipatupad hanggang sa kasalukuyan.

Nang tanungin kung aling master plan ang tinutukoy ng Pangulo, sinabi ni Castro, “Kung history ang pag-uusapan natin, mga 1940s, 1930s ay meron na pong master plan. Ngunit sa mga nakaraang mga dekada ay hindi ito nasunod.”

— FRJ, GMA News